Hinikayat ni Senator Robin Padilla si Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr., na harapin na ang kaso at ipagtanggol ang sarili kaugnay sa alegasyon ng pagkakasangkot sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Padilla, na dati’y nakulong din dahil sa kaso ng ‘illegal possession of firearms’, na ginawa rin niyang magtago ng isa’t kalahating buwan at namundok bago niya naisip na kailangan niyang harapin ang kanyang kaso.
Aniya, ang kanyang maipapayo sa kongresista ay pagkatapos nitong magnilay-nilay at makapagdesisyon ay magandang harapin na nito ang isyu at bigyan ng pagkakataon na depensahan ang kanyang sarili.
Sinabi pa ni Padilla na malinaw pa rin naman sa Saligang Batas na inosente pa ring maituturing si Teves kaya dalangin nito na umuwi na ang kongresista at harapin ang mga reklamo.
Umapela naman si Padilla sa publiko na ibigay muna sa kongresista ang pagiging inosente niya sa krimen dahil wala pa namang nagaganap na paglilitis at hindi pa naman napapatunayan na si Teves ang nasa likod ng pagpaslang kay Degamo.