Manila, Philippines – Kapag ayaw may dahilan!
Ito ang sagot ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto III sa mga kumukwestyon sa hurisdiksyon ng Senado na imbestigahan si Commission on Election o COMELEC Chairman Andres Bautista na isang impeachable official.
Tugon ito ni Sotto sa pahayag ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na dapat munang pag-usapan o pag-aralang mabuti kung mayroong hurisdiksyon ang Senado na dinggin ang mga kontrobersya laban kay Bautista na ibinunyag ng kanyang misis.
Paliwanag ni Drilon, sa oras na magdesisyon ang Kamara na magsulong ng impeachment complaint laban kay Bautista ay aakyat ito sa Senado na tatayong impeachment court kung saan silang mga senador ay aakto bilang mga judge.
Pero tanong ni Sotto, bakit inimbestigahan ng Senado ang isyu ng extra judicial killings laban kay Pangulong Rodrigo Duterte na isa ring impeachable official.
Ipinaalala din ni Senato Sotto, ang mahabang imbestigasyon na ginawa din noon ng Senado sa mga katiwaliang ibinabato kay dating Vice President Jejomar Binay na isa ring impeachable official.
Paliwanag ni Sotto, in aid of legislation ang layunin ng imbestigasyon kay Bautista kung saan sisilipin ang isyu ng hindi paglalahad ng katotohanan ng ibang mga opisyal ng gobyerno sa isinusumite nilang Statement of Assets, Liabilities And Networth o SALN.
Giit pa ni Sotto, mali na kontrahin ang imbestigasyon ng Senado kay Bautista dahil baka isipin ng ibang tao na ayaw lang nilang mabuksan ang posibilidad na ang mga alegasyon kay Bautista ay magpapakita na may dayaang naganap noong 2016 elections.