Manila, Philippines – Tiwala si Senator Majority Leader Tito Sotto III na malalampasan ni Senator Gringo Honasan ang kasong katiwalian na kanyang kinakaharap kaugnay sa umanoy maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund o PDAF na nagkakahalaga ng 30 million pesos noong 2012.
Ang pahayag ni Sotto ay makaraang maglabas ngayong araw ang Sandiganbayan 2nd division ng warrant of arrest laban kay Honasan.
Sabi ni Sotto, hindi pa niya nakakausap ang kaibigang si Honasan pero maari naman aniya itong maglagak ng pyansa.
Muli binigayng diin ni Sotto na walang kasalanan si Honasan dahil hindi naman ito ang humahawak ng kanyang PDAF.
Ang implementing agency aniya ang nagpapatupad ng mga programa o proyekto na pinondohan ng PDAF.
Nauna ng binanggit pa ni Sotto na kahit ang yumaong si Senator Miriam Defensor Santiago ay nagsabi noon na walang kinalaman ang mga senador kung paano ginamit ang hininging PDAF sa kanila.
Sabi ni Sotto, malinaw sa paliwanag noon ni Senator Miriam na ang papel lang kasi nila ay mag apruba sa hininging pondo para sa isang proyekto at hindi naman uubrang inspeksyunin pa nilla bawat pako at bawat sementong gagamitin sa proyekto.