Senator Trillanes, pinalagan ang akusasyong destabilisasyon sa Duterte administration

Manila, Philippines – Mariing pinalagan ni Senator Antonio Sonny Trillanes IV ang akusasyon na ginagamit niya ang mga miyembro ng Davao Death Squad o DDS para sa destabilisasyon sa Duterte administration.

 

Giit ni Trillanes, wala siyang pinaplano o gagawing kudeta o destabilization kaya wala din syang sinuman na kailangang pondohan.

 

Binigyang diin ni Trillanes na sina SPO3 Arthur Lascañas at Edgar Matobato ay nagsasabi lang ng katotohanan para mamulat ang taongbayan tungkol kay President Rodrigo Duterte.

 

Problema na aniya ng mga nasa panig ni Pangulong Duterte kung nayayanig sila sa mga expose nina Lascañas at Matobato.

 

Malabo din para kay Trillanes ang inihayag ni Pangulong Duterte na ang mga mining companies ang nagpopondo sa nasabing destabilisasyon.

 

Paliwanag ni Trillanes, kaibigan ni Pangulong Duterte ang mga mining companies kaya hindi niya maipatupad ang suspension order laban sa 23 mining firms na inilabas ni DENR Sec. Gina Lopez.

 

Dagdag pa ni Trillanes, kaibigan din ni Pangulong Duterte ang mga drug lords kaya wala pang nahuhuli ni isa sa mga ito at puro mahihirap lang ang napapatay.

 

Samantala, sa boto ng 22 mga senador ay pinagtibay na ng Mataas na Kapulungan ang Paris Agreement on Climate Change na niratipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments