Tatlong magkakapatid na pinaghahanap sa Taguig, natagpuan na

90

Manila, Philippines – Natagpuan na ang tatlong makakapatid na nawawala habang patuloy pa ring pinaghahanap ang isa pang dalagita na sinasabing dinukot sa Lower Bicutan, Taguig.

 

Ayon kay Pinky Yanos, ina ng tatlong magkakapatid na nasa edad tatlo, pito at sampu, Linggo ng alas-tres ng hapon ay nanikip ang dibdib ng kanyang asawa, at isinugod niya ito sa Taguig Pateros District Hospital.

 

Ngunit hindi niya alam na sinubukan pala silang sundan ng kanilang mga anak hanggang sa naligaw na ang mga ito.

 

Napadpad ang magkakapatid sa isang mall sa Bicutan na kung saan mayroon naman isang babaeng (hindi na binanggit ang pangalan) nagmagandang loob na nakakita sa mga bata at pinakain ang mga ito sa isang fast food chain .

 

Kinagabihan nang magsara na ang nasabing mall, inihatid na lang ng babae ang mga bata sa central barangay hall.

 

Ayon naman sa impormasyon mula sa Taguig City Hall, kahapon lang ng tanghali ay ligtas na naibalik sa kanilang mga magulang ang mga magkakapatid.

 

Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakikita ng kanyang lola ang isang kinse anyos na dalagita matapos umano itong isakay ng  grupo ng mga lalaki sa isang van noong Linggo ng hapon sa MLQ Road, Lower Bicutan.

 

Sa pahayag ng kanyang lola, nitong Linggo ng alas-singko ng hapon, nagpaalam sa kanya ang kanyang apo upang magsimba.

 

Hatinggabi nang  nakatanggap ng text message ang lola mula sa dalagita at sinabing mayroong dumukot sa kanya na mga lalaki at  isinakay siya sa isang van saka dinala sa isang bahay na nasa bukid kasama ng iba pang batang babae.

 

Sa ngayon ay inatasan na ni Southern Police District Director Chief Supt. Tomas Apolinario si Senior Supt. Allen Ocde, hepe  ng Taguig City police, na magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa naturang insidente.

 

Bukod dito, ipinabubusisi din ni Apolinario ang mga nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar kung nahagip ang sinasabing pagdukot.

Facebook Comments