Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng isang privilege speech ay umapela si Senator Antonio Trillanes IV sa mga kasamahang mambabatas na makiisa sa panawagan na palayain si Senator Leila De Lima.
Kasabay nito ay hiniling din ni Trillanes sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Panfilo Ping Lacson na magsagawa ng pagdinig at ipatawag ang lahat ng drug lords sa Bilibid na tumestigo laban kay De Lima.
Giit ni Trillanes, anim na buwan ng nakakulong si De Lima sa Philippine National Police Custodial Center pero hanggang ngayon ay wala pang matibay na ebidensya laban sa kanya.
Ang tangi lang aniyang pinagbasehan ng mga kaso laban kay De Lima ay ang mga imbentong kwento ng mga drug lords sa Bilibid na pilit nag-uugnay sa kanya sa iligal na droga.
Sa kanyang talumpati, bingyang diin pa ni Trillanes na bukod sa pagpapakulong ay binastos, minura, tinakot, hinarass at niyurakan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang mga alipores si De Lima.