Senator Trillanes, walang planong resbakan ang mga pasaring ni Pangulong Duterte

Manila, Philippines – Hindi kakasa si Senator Antonio Trillanes IV sa pagtawag sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang political ISIS, trililing at walang alam sa batas.

Para kay Trillanes ang pagpapakawala ng pangulo ng kung anu anong bansag sa kanya ay nagpapakita na ito ay nag-papanic na.

Naniniwala si Trillanes na malapit na kasing mabunyag ang mga iligal na gawain ng pamilya ni Pangulong Duterte na pinagmulan ng umano’y bilyon -bilyong pera ng mga ito sa bangko.


Giit ni Trillanes, malinaw ang isyu ng pagkakasangkot ni Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Atty. Mans Carpio sa paglusot sa Bureau of Customs ng 6.4 billion pesos na shabu galing sa China.

Paglilinaw pa ni Trillanes, hindi sa kanyang nanggaling ang nabanggit na mga alegasyon kundi sa mga testigong humarap sa pagdinig ng blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon.

Diin pa ni Trillanes, hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si Paolo duterte sa smuggling at illegal drugs.

Ipinaalala ni Trillanes na noong 2007, ay may derogatory reports na ang National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Smuggling Group patungkol sa umano’y pagkakasangkot ni Pulong sa smuggling sa Davao City Port.

Binanggit din ni Trillanes ang testimonya noon ni Edgar Matobato na nagpapakita ng transaksyon ni Vice Mayor Pulong sa mga opisyal ng Bureau of Customs sa Davao City at ang pagtulong nito sa isang Charlie Tan na sangkot sa drug smuggling.

Facebook Comments