Turkish nationals sa Maguindanao, napagkamalang kasapi ng ISIS!

Mga miyembro ng Islamic Humanitarian Service (HIS) ang 3 Turkish nationals na nagtungo sa Barangay Paitan, Mangudadatu, Maguindanao noong Eidul Adha upang mamudmud ng karne ng baka bilang “turba”.
Sinabi ni 33rd Infantry Battalion Commanding Officer LT. Col. Harold Cabunoc, walang ginawang koornisasyon ang grupo sa lokal na pamahalaan ng Mangudadatu, sa kapulisan o sa kasundaluhan bagamat sinabi ng mga dayuhan na nagpaabot sila ng abiso sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ikinaalarma ng mga residente ang prisensya ng mga dayuhan sa kanilang lugar lalo pa’t alam nila na ilan sa mga terosista na nakikipagbakbakan sa mga militar sa Marawi city ay mga foreigner kagaya ng mga ito kaya ipinagbigay-alam agad nila ang insidente sa kasundaluhan at kay Mayor Freddie Mangudadatu.
Sinabi pa ni Col. Cabunoc na agad namang tumungo ang Bravo company ng 33rd IB sa area kasama si Mayor Mangudadatu upang berepikahin ang report at sa kanilang pagdating sa lugar ay nakausap naman din ng mga ito ang mga foreigner.
Ipinaliwanag ng tropa ng gobyerno at ni Mayor Mangudadatu sa mga dayuhan na kailangan pa rin nilang magpaalam sa mga kinauukulan kung magsasagawa ng kahalintulad na aktibidad.
Sa kanilang pagsisiyasat napag-alaman na lihitimo ang pagpasok ng naturang mga banyaga sa Pilipinas at kumpleto sa papeles ang mga ito, dagdag pa ni Col. Cabunoc. (Photo from 33rd IB Philippine Army)

Facebook Comments