Kinuwestyon ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang pagpapasya ng mga awtoridad na sangkot sa nabigong buy-bust operation noong Miyerkules.
Katwiran ni Villanueva, inilagay nito sa peligro ang mga manggagawa ng fast-food chain, inosenteng bystanders, maging ang mga delivery personnel matapos magbarilan ang mga pulis at kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa gagawing pagdinig ay target ni Villanueva na matukoy ang anumang pagkukulang ng mga awtoridad upang hindi na maulit ang insidente na naglagay sa panganib ng inosenteng mamamayan o manggagawa.
Paliwanag ni Villanueva, hindi basta-basta maaaring ipagkibit-balikat ang insidenteng ito dahil tila may naging kapabayaan sa ating mga law enforcement agencies.
Tinukoy ni Villanueva ang isang viral video clip kung saan ipinakita ang dalawang pulis na nakatutok ang kanilang baril sa mga sibilyang nagtatago sa isang stock room.
Sabi ni Villanueva, sa nabanggit na video ay binubulyawan ng mga pulis ang mga sibilyan, at may isang buntis sa grupo ang humingi ng tubig at nagmakaawa sa takot na duguin siya.
Himutok ni Villanueva, tinatrabaho nila ang paggawa ng mga batas para protektahan ang ating mga manggagawa, kaya nakakapanlumo na makakita ng mga crew at sibilyan na tinututukan ng baril at sinisigawan ng mga taong dapat ay kasangga sa pagprotekta sa kanila.