Negatibo ang resulta ng COVID-19 confirmatory test na isinagawa ng Philippine Red Cross kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Sumailalim sa confirmatory test si Zubiri makaraang magpositibo ang kaniyang swab test na ginawa noong Linggo.
Ayon kay Zubiri, base sa paliwanag ng Infectious Disease Experts at sa resulta ng malalimang mga pag-aaral sa South Korea, ang nadetect ng Department of Health (DOH) swab test ay pawang remnants na lang ng dead virus cells.
Ito raw ay pangkaraniwang nangyayari sa mga katulad niya na nakarecover na sa COVID-19.
Tinukoy rin ni Zubiri ang mga pag-aaral sa Europe, Asia at US na nagpapakitang ang mga pasyenteng gumaling na sa COVID-19 at nakadevelop ng antibodies ay hindi na nakakahawa.
Dahil dito ay labis ang pasasalamat ni Zubiri sa lahat ng sumuporta at nagdasal para sa kanya.