Senatoriable ng Lacson-Sotto may paalala sa ngiti ng mga kandidato

Huwag mahulog sa matatamis na ngiti ng mga kandidato na nanliligaw sa mga botante ngayong halalan, sa halip ay dapat na himayin ang kanilang plataporma at talasan ang pagsusuri sa tunay nilang intensyon sa bayan.

Ito ang babala ni dating Agriculture Secretary at Partido Reporma guest senatorial candidate Emmanuel ‘Manny’ Piñol sa mga botanteng Pilipino na mas pinipili ang kandidatong palangiti, sumasayaw, o kaya ay kumakanta kumpara kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Ikinumpara rin niya sa karakter na si ‘Joker’ na kaaway ni ‘Batman’ ang mga kandidato na pinipiling gamitin ang pag-aliw sa publiko imbes na maglatag ng kanilang mga plataporma.


If it is a smile that you need to be convinced as voters then let us borrow the ‘Joker,’ the enemy of ‘Batman.’ He always smiles but behind that smile is a malevolent intention of harming people,” sabi ni Piñol sa ginanap na campaign rally sa Panabo City, Davao del Norte nitong Biyernes.

Inihayag ni Piñol na sa papalapit na araw ng eleksyon ay umaasa siyang maiaangat ng mga Pilipino ang pananaw kay Lacson na pinupuna dahil lamang sa umano’y hindi niya masyadong pagngiti sa harap ng publiko at tila pagiging istrikto.

Kasabay nito, pinuri niya si Lacson dahil sa pagiging mahusay na political leader. Aniya, seryoso man ang imahe ni Lacson ay mayroon siyang mabuting intensyon, kakayahan, at karanasan na pamunuan ang mga Pilipino tungo sa mas maayos na buhay.

Nagpaliwanag naman si Lacson sa hiwalay na talumpati, kung bakit hindi siya madalas na nakikitang ngumiti, lalo na kung ginagampanan niya ang tungkulin simula pa sa kanyang karera sa pagiging sundalo, pulis hanggang sa maging senador.

Naharap po ako sa law enforcement at sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ang kaharap ko problema ng ibang tao. ‘Nabugbog po ako, nanakawan po ako, nakidnap po ‘yung anak ko, na-rape po ‘yung anak ko’—paano kayo mangingiti?” ani Lacson.

Noong ako’y naging senador, ganoon din. Tuwing makikita ‘yung national budget at ako’y nag-i-scrutinize, puro problema nakikita ko. Ang daming naaaksaya, alam kong hindi magagamit, alam kong maaabuso ‘yung paggamit, paano kayo mangingiti?” dagdag niya.

Ayon pa kay Lacson, hindi niya babaguhin ang kanyang imahe ng pagiging seryoso, lalo na sa pagsiyasat sa mga anomalya sa gobyerno para makakuha siya ng mas maraming suporta ngayong panahon ng eleksyon.

Ngayon pa ba ko magpapalit just because I’m running for president, I will please everybody? Hindi po ako ganoon. I’ll stand my ground,” pahayag niya sa mga mamamahayag.

Madalas na ikumpara si Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa mga karakter na sina ‘Batman at Robin,’ ang mga superhero sa DC Comics dahil sa kanilang malalim na tiwala sa isa’t isa bilang magkaibigan at samahan bilang mga politiko at lingkod bayan.

Facebook Comments