Senators Lacson at Zubiri, kumbinsidong hindi na kailangan ang congressional inquiry sa nangyaring gulo sa Marawi City

Manila, Philippines – Para kina Senators Panfilo Ping Lacson at Juan Miguel Zubiri hindi na dapat pang magsagawa ang Senado at Kamara ng imbestigasyon kaugnay sa nangyaring gulo sa Marawi City.

Paliwanag ni Lacson, kapag pinasukan pa ng mataas at mababang kapulungan ang imbestigasyon ay baka mabahiran lang ang kabayanihan ng mga sundalo at pulis na nag-alay ng matinding sakripisyo at yung iba nagbuwis pa ng sariling buhay para mabawi sa kamay ng terorista ang Marawi.

Giit ni Lacson, sapat na ang ginagawang imbestigasyon ng militar at kaukulang otoridad para mabatid kung ano ang naging pagkukulang at napasok ng mga terorista ang Marawi at paano nakapag-imbak ang mga ito ng napakaraming armas.


Diin naman ni Zubiri, dapat madetermina sa pagsisiyat kung bakit pumalpak ang intelligence community at hindi nalaman o naharang ang malawakang pag-atake sa Marawi ng teroristang grupong Maute.

Ayon kay Zubiri, dapat ding matukoy ang mga local officials na tumulong o nakipagsabwatan para sa paghahasik ng gulo sa nabanggit na bahagi ng Mindanao.

Facebook Comments