Senators Trillanes at De Lima, inalmahan ang pagdawit sa kanila ni Pangulong Duterte sa DAP scandal

Manila, Philippines – Matindi ang pag-alma nina Senators Antonio Trillanes IV at Leila De Lima sa pagdawit sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Disbursement Acceleration Program o DAP scandal.

Giit ni Senator Trillanes, nag-iimbento na naman ng panibagong panlihis sa isyu si Pangulong Duterte matapos mapahiya sa pagbubungyag mga pekeng bank accounts umano niya sa abroad.

Ayon kay Trillanes, na-audit, na-clear, at walang nakitang anomalya ang Commission on Audit sa lahat ng proyekto ng pinaglaanan ng kanyang alokasyon mula sa DAP at Priority Development Assistance Fund.


Binigyang diin naman ni Senator De Lima, hindi lang mamamatay tao kundi garapal pang sinungaling at may diperensya sa pag-iisip si Pangulong Duterte.

Ilan lamang sa mga binanggit ni De Lima na kasinungalingan umano ng Pangulo ang akusasyon na siya ay Bilibid drug trade queen, protektor ng mga drug lords, may sex video at ang paglalabas ng katawa-tawang matrix ng mga indibidwal na sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.

Sa kabila nito ay nagdarasal si De Lima na katulad ng pag-amin ni Duterte sa mga pekeng bank accounts sa abroad ni Senator Trillanes ay magkakaroon pa ng himala at aaminin din ng Pangulo ang mga imbentong alegasyon laban sa kanya.

Facebook Comments