Senior at PWD discount, dapat ibawas sa ospital – PhilHealth

Nagpaalala kamakailan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kanilang mga accredited health facility sa buong bansa na dapat agad ibawas ang diskwento ng mga senior citizen at person with disability sa kanilang medical bills bago magbayad at lumabas ng ospital.

“Nakatanggap ang PhilHealth ng mga ulat na may mga pasilidad na hindi nagbabawas ng diskwentong ito kaya naman naglabas kami ng PhilHealth Advisory 2023-0036 para magpaalala sa aming mga partner hospital”, ani Emmanuel R. Ledesma, Pangulo at Punong-Tagapagpatupad ng PhilHealth.

Ang nasabing diskwento ay itinakda ng Republic Acts 9994 o Expanded Senior Citizens Act, at 10754 o Expanded Benefits and Privileges of Persons with Disability Act. Ang mga naturang diskuwento ay dapat ibawas sa hospital bill sang-ayon na rin sa Performance Commitment ng mga pasilidad sa PhilHealth.


“Kailangan nating ibigay anoman ang mandato ng batas at kabilang dito ang mga pribilehiyo bilang senior citizen o PWD. Ang mga ito ay dapat maibawas sa kanilang mga bayarin sa ospital”, giit ni Ledesma. Nilinaw naman ng ahensiya na sa mga pasyenteng senior citizen na at PWD pa, isang diskwento lamang ang puwedeng magamit.

Narito naman ang pagkakasunod-sunod ng pagbawas ng mga diskwento: Unang ibabawas ang 12% VAT exemption, kasunod ng 20% senior citizen o PWD discount, pagkatapos ay ang PhilHealth benefits. “Iyun pong balanse ang siya na lamang dapat na bayaran ng pasyente kung mayroon pa, at makikita ito sa kanilang billing statement. Kung ang ating senior citizen member ay na-admit naman sa mga pampublikong pasilidad ay wala na silang babayaran dahil sa No Balance Billing policy”, paliwanag pa ni Ledesma.

Sakaling hindi magbawas ng mga naturang pribilehiyo ang mga health facility, maaari silang sampahan ng karampatang parusa, kabilang ang multa at pagsususpinde o pagbawi ng kanilang accreditation.

Hinikayat din ng ahensya ang mga miyembro at concerned citizens na agad i-report ang ganitong insidente sa Office of Senior Citizens Affairs sa kanilang LGU o sa National Council for Disability Affairs. Maaari ding mag-report sa PhilHealth Callback Channel 0917-898-7442, Facebook page (@PhilHealthofficial) o X (@teamphilhealth).

“Igiit natin ang ating karapatan dahil ang mga ito ay itinakda ng mga batas. Kami naman ay nakahandang umaksiyon sakaling may mga ulat kaming matatanggap mula sa ating mga miyembro tungkol dito”, tugon pa niya.

Facebook Comments