Senior Citizen Binawian ng Buhay, Matapos Pagbabarilin!

Cauayan City, Isabela – Patay ang isang Lola matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek, sa oras na alas otso ng gabi, April 02, 2018.

Nakilala ang biktima na si Leonida Pascual Reyes, 67 anyos, may asawa at residente ng Barangay Bacolod, Cauayan City.

Sa pagsisiyasat ng PNP Cauayan, Nabatid na lumabas umano ng bahay ang biktima sa nasabing oras upang tingnan lamang umano ang alagang baboy na nasa bakuran lamang ng tahanan ni Reyes. At sa pagkakataong ito ay bigla na lamang lumabas sa madilim na lugar ang isang lalaki at pinaputukan ang ginang kung saan nagtamo ng tama sa ibat ibang bahagi ng katawan.


Rumisponde agad ang Rescue 922 at isinugod ang biktima sa pagamutan subalit binawian ng buhay si Reyes habang nilalapatan ng lunas.

Batay sa imbestigasyon ng SOCO Cauayan, narekober sa pinangyarihan ng pamamaril ang ilang basyo ng bala ng kalibre kwarentay singko o 45.

Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng kapulisan lalo na ang pagkakakilanlan ng suspek.

Facebook Comments