Cauayan City, Isabela- Nadadagdagan na ang bilang ng mga nagpapabakunang senior citizen sa Lungsod ng Tuguegarao na kabilang sa A2 priority group para sa COVID-19 vaccine.
Mismong si Mayor Jefferson Soriano ang nagbahagi na marami nang nagboboluntaryong magtungo sa mga vaccination center sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod kaya’t marami na rin ang nabakunahan.
Pero, isang hamon pa rin sa alkalde ang kakulangan ng bakuna na naibigay sa Lungsod dahil kakaunti pa lamang ang mga nabakunahan na sa mga nasa susunod na prayoridad o may mga comorbidity.
Gayunman, tuloy-tuloy pa rin ang vaccination activity sa Lungsod na kung saan ay bumuo na rin ng vaccination team ang lungsod na siyang magsasagawa ng house-to-house vaccination para naman sa mga senior citizen at iba pang eligible na mabakunahan na hindi na kayang pumunta pa sa vaccination area.
Ang Lungsod ng Tuguegarao ay siyang may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Cagayan.