Senior citizen na tatlong oras nag-abang ng masasakyan, hinimatay

Hinimatay ang isang senior citizen na matagal nag-abang ng masasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, Lunes ng umaga.

Batay sa ulat ng “24 Oras,” kaagad naman tinulungan ng pulisya at mga kawani ng barangay ang matandang lalaki na kinilalang si Ernesto Cuña.

Patungo sana ang senior citizen sa Central Bank upang magpapalit ng pera pero halos tatlong oras na daw siyang naghintay ng masasakyan, dahilan para makaramdam ito ng matinding pagod.


Isa lamang si Cuña sa daan-daang pasahero na matiyagang nag-abang ng pampublikong sasakyan sa unang araw ng pagpapatupad ng general community quarantine sa buong Metro Manila.

Halos ma-okupa na rin ang dalawang linya ng Commonwealth Avenue dahil sa dami ng naghihintay na commuter.

Sa ilalim ng GCQ, piling transportasyon lamang ang pinayagang pumasada sa lansangan gaya ng taxi, tren, bus, bisikleta, at ride-hailing service na Grab. Nagsimula ang kanilang balik-operasyon nitong Hunyo 1 at tatagal hanggang Hunyo 21.

Lahat ng ito ay limitado lamang ang kapasidad bilang pagsunod sa physical distancing kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pinahintulatan na rin ng DOTR ang mga tricycle subalit nasa lokal na gobyerno ang huling desisyon kung tuluyang papayagang bumiyahe.

Facebook Comments