Senior citizen, inaresto matapos tumawag nang 24,000 beses sa isang kompanya para magreklamo

Stock photo

Arestado ang isang 71-anyos lalaki sa Japan matapos na 24,000 ulit na tumawag sa isang phone company upang ireklamo ang nilabag umano nitong kontrata.

Dinala sa kostudiya ng Tokyo police si Akitoshi Okamoto noong nakaraang linggo, dahil sa pambabaha ng tawag sa customer service ng KDDI Corporation sa loob lamang ng walong araw.

Bukod sa toll-free call, gumamit din umano ang senior citizen ng mga pampublikong pay phone para dumaing sa kompanya, ayon sa ulat ng AFP.


Ayon sa awtoridad, inuutusan ni Okamoto ang mga tauhan ng KDDI na lapitan siya at humingi ng paumanhin sa paglabag sa kanyang kontrata.

Ilang ulit din daw tumawag ang matanda nang bigla na lang ibababa ang telepono.

Dinakip si Okamoto sa hinihinalang “fraudelent obstruction of business,” ayon sa pulisya.

Facebook Comments