Sa kanyang video message sa relief operations na isinagawa ng kanyang team sa Polanco, Zamboanga del Norte, binigyang diin ni Senador Christopher “Bong” Go, Chairman ng Senate Committee on Health and Demography, ang kahalagahan na alagaan ang kalusugan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Hinimok ng senador ang may 2,000 benepisyaryo na dumalo sa aktibidad na bumisita sa pitong Malasakit Centers sa Zamboanga Peninsula sakaling kailanganin nila ng medical assistance mula sa government.
Bago pa man nahalal na senador, nakatutok na si Go sa pagtulong sa mahihirap sa kanilang mga gastusin sa pagpapagamot. Ito ang nagtulak sa kanya para isulong ang pagpasa sa Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
“Noong naging presidente si President Duterte, sabi ko, ano bang pwede nating gawin na isang konsepto na pwede nating bilisan lang natin na makapagbigay ng serbisyo. Sinubukan namin sa Cebu, sa Vicente Sotto. Nilagyan namin sa isang kwarto ‘yung PhilHealth, PCSO, DOH, DSWD, mga representatives nila, inilagay sa isang kwarto. Ginawa natin ang Malasakit Center,” pagbabahagi ni Go.
“Mga kababayan ko, mayroon na po tayong 149 na Malasakit Center sa buong Pilipinas. Tutulungan po kayo hanggang maging zero balance ang inyong billing. Lapitan niyo lang po ang Malasakit Center para po ‘yan sa Pilipino,” dagdag pa niya.
Matatgpuan ang Malasakit Centers sa Zamboanga del Sur Medical Center sa Pagadian City at Margosatubig Regional Hospital sa Margosatubig, na kapwa nasa Zambonga del Sur; Zamboanga City Medical Center, Mindanao Central Sanitarium, at Labuan General Hospital sa Zamboanga City; Jose Rizal Memorial Hospital sa Dapitan City; at Zamboanga del Norte Medical Center sa Dipolog City, na pawang sa Zamboanga del Norte.
Nagsagawa ang team ni Go ng distribution activity sa Polanco Municipal Gym kung saan igrinupo ang essential workers sa mas maliliit na batch upang makatanggap ng meals, masks, at vitamins. Nagpadala rin si Go ng mga bisekleta, mga sapatos, at computer tablets para sa ilang benepisyaryo. Mahigpit na ipinatupad ng team ang safety ar health protocols habang isinasagawa ang aktibidad.
Nagbigay din Department of Social Welfare and Development ng financial assistance habang karagdagang supply ng mask ang ipinagkaloob ng Department of Health.
Samantala, namahagi rin ang Department of Agriculture ng mga supply ng vegetable seeds. Ang Department of Trade and Industry at ang Technical Education and Skills Development Authority, naman ay nagsagawa ng ebalwasyon sa mga posibleng benepisyaryo para sa kani-kanilang programa.
Hinimok din ni Go ang publiko na magpabakuna laban sa COVID-19.
“Mabilis na ang ating vaccination rollout. Pakiusap ko lang sa inyo, kapag nasa priority list, magpabakuna na kayo. Magtiwala kayo sa bakuna, huwag kayong matakot sa bakuna,” panghihikayat ni Go.
“Ang importante, protektado kayo. Kung mahal ninyo ang inyong anak at ang inyong pamilya, magpabakuna na kayo. Pakiusap lang namin ni Presidente Duterte sa inyong lahat,” dagdag pa niyam
Nagpaabot din ng suporta si Go, na nagsisilbi ring Vice Chair ng Senate Committee on Finance, sa iba’t ibang infrastructure initiatives sa lalawigan, kabilang ang pagsesemento sa isang municipal road sa Polanco. Sinuportahan din niya ang konstruksyon ng multipurpose building, pagpapaganda ng Sunset Boulevard, at pag-konkreto sa barangay roads sa Dapitan City.
“Mga kababayan ko, parating mag-ingat, magdasal po tayo. At tandaan niyo po, minsan lang po tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano pong kabutihan o tulong na puwede natin gawin sa ating kapwa Pilipino ay gawin na po natin ngayon dahil hindi na po tayo babalik sa mundong ito,” saad ni Go
“Kami po ni Pangulong Duterte ay patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat dahil para sa amin po, ang serbisyo po sa tao, serbisyo po ‘yan sa Diyos,” dagdag pa niya.