Umapela si Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan nang makalabas ng tahanan ang senior citizens na may edad 70-anyos pataas.
Lumiham kamakailan ang kongresista sa Pangulo at umapela ito na payagan ang mga lolo at lola na may edad 70 taong gulang pataas na payagang maging Authorized Persons Outside Residence (APOR) pagsapit ng Disyembre.
Bukod sa essentials na pagbili ng pagkain at gamot, ay hiniling ni Ordanes na payagan ang senior citizens na makadalaw rin sa kanilang mga apo at mga kaanak sa Pasko gayundin ang makapagsimba.
Iginiit ng kongresista na mahalaga ang mga ito para sa mental at physical health ng mga matatanda lalo pa’t matagal ding nanatili ang mga ito sa loob ng bahay.
Bilang pag-iingat sa COVID-19 ay pananatilihin naman ng mga lolo at lola ang pagsusuot ng face masks at face shields tuwing lalabas ng bahay.
Humirit din si Ordanes kay Pangulong Duterte at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na madaliin ang paglalabas ng pensyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) para sa seniors at retired employees bunsod ng maraming mga matatanda at retirado ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga pensyon hanggang ngayon.