Kinumpirma ni Senior Deputy Speaker Salvador “Doy” Leachon na nagpositibo siya sa COVID-19 gayundin ang kanyang misis na si Calapan City Councilor Rona Leachon.
Pero aniya, magaling na sila at nag-negatibo na sa isinagawang swab test kagabi.
Kwento ng kongresista, mas nakaranas ng sintomas ng sakit ang kanyang asawa na nilagnat sa loob ng walong araw.
Negatibo naman sa COVID-19 ang kanilang tatlong anak, house helper, driver at security escort.
Sa kanyang Facebook post, pinasalamatan ni Leachon ang kanyang kapatid na si dating National COVID-19 Task Force Adviser Dr. Tony Leachon sa patuloy na pagmo-monitor sa kanilang kondisyon.
Bukod kay Leachon, 11 iba pang mambabatas mula sa kamara ang tinamaan ng COVID-19 kabilang ang nasawing sina Senior Citizens Party-List Representatives Francisco Datol Jr. at Sorsogon Representative Ditas Ramos.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, maglalaan ang kamara ng P50 milyon mula sa internal funds nito para sa COVID-19 vaccination ng kanilang mga empleyado at lima sa mga immediate family members ng mga ito oras na maging available na ang bakuna.
Kasama ring mababakunahan ang mga miyembro ng House media at lima sa kanilang immediate family members saka huling magpapabakuna ang mga kongresista.