Arestado ang isang 62-anyos sa Hong Kong matapos mapaslang sa saksak ang 60-anyos na kapatid na nakaalitan dahil sa bayarin sa bahay.
Wala nang malay nang datnan ng awtoridad ang biktima sa kanilang bahay sa Mong Kok nitong Miyerkules, ayon sa ulat ng South China Morning Post.
Lumabas sa imbestigasyon na nagtatalo ang magkapatid sa bayarin sa kuryente noong oras ng insidente.
Kasamang naninirahan ng dalawa sa bahay ang kanilang ina at asawa ng suspek na siyang tumawag sa pulisya.
Nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktima na naisugod pa sa ospital ngunit namatay din ilang oras makalipas.
Nahaharap naman sa kasong pagpatay ang nakatatandang kapatid na gumamit ng fruit knife para atakihin ang biktima.
Narekober din sa bahay ang ginamit na kutsilyo.
Facebook Comments