Sentralisadong deputation process sa mga traffic enforcers, iminungkahi ng Kamara

Napuna ng mga panel ng House Committee on Metro Manila Development na mayroong problema sa deputation o pagtatalaga ng mga traffic enforcers kaya lumalala ang korapsyon at pang-aabuso sa trapiko.

Sa pagdinig ng Komite kaugnay sa mga reklamo ng pang-aabuso at corrupt practices ng mga traffic enforcers sa Metro Manila gayundin sa North at South Luzon Expressways, nakitaan na walang sentralisadong deputation process sa mga traffic enforcers.

Sa pakikinig ng Komite sa mga resource persons, napagtanto na walang centralized deputation process dahil ang bawat ahensya tulad ng Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at maging ang mga lokal na pamahalaan ay may kanya-kanyang pamamaraan, kasanayan at proseso sa pagpili ng kanilang mga itatalagang traffic enforcers.


Ayon kay Manila Rep. Manny Lopez, Chairman ng Komite, bagama’t mayroong mga abusadong motorista, hindi naman ito dahilan para masangkot sa pang-aabuso sa batas trapiko ang mga dapat na nagpapatupad nito.

Kinakitaan ng Komite ang pangangailangan na ma-review ang mga batas sa trapiko, magpatupad ng mahigpit na kautusan at itatag ang traffic management practices kasama na rito deputation ng traffic enforcers upang maiwasan ang malalang problema sa pang-aabuso at korapsyon sa trapiko.

Facebook Comments