Kinuha ng isang mambabatas ang serbisyo ng UV Express para magbigay ng libreng transportasyon sa mga frontliners.
Ayon kay Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong, layunin nito na pagaanin ang buhay ng mga doktor at medical staff na naglalakad ng ilang oras para makapasok sa trabaho.
Kabilang sa makikinabang dito ang mga health care workers sa East Ave. Medical Center, National Kidney Transplant Institute (NKTI) at Philippine Children’s Medical Center (PCMC).
Sa ganitong paraan din ay mabibigyan ng kabuhayan ang daan-daang UV Express drivers na nawalan ng kita dahil sa suspensyon ng lahat ng pampublikong transportasyon.
Gayunman, para masiguro ang kanilang proteksyon, bibigyan sila ng full Personal Protective Equipment (PPE), alcohol at vitamins, at isa-sanitize ang kanilang mga sasakyan kada biyahe.
Sinuportahan din umano si Transportation Under Secretary Mark De Leon, DILG Secretary Eduardo Año, opisyal ng LTO at executives ng NKTI, PCMC at East Ave. Medical Center ang hakbang na ito.
Sinimulan ang paghahatid ng mga UV Express sa mga frontliners ngayong Linggo na tatagal naman hanggang April 12.