Pinigilan ng Malacañang ang unang kautusan nito na hanggang sa July 31, 2022 lamang mananatili sa kanilang pwesto ang mga itinalagang Officers-in-Charge sa mga departamento, tanggapan, kagawaran, ahensiya at non-career executive officials na umookupa sa career executive service position sa sangay ng ehekutibo.
Batay sa nilabas na amendment at supplemental Memorandum Circular No. 1 na pirmado ni Executive Secretary Victor “Vic” Rodriguez sa petsa kahapon, July 27, 2022, pinalalawig nito ng hanggang December 31, 2022 ang serbisyo ng mga nabanggit na opisyal o hanggang wala pang naitatalagang bagong opisyal ang pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ayon kay Executive Secretary Vic Rodriguez, ito ay para matiyak ang tuloy-tuloy at epektibong paghahatid ng serbisyo ng gobyerno.
Nakapaloob sa inamyendahan at supplemental memorandum na walang mga bagong kontrata, proyekto o pagpapalabas ng malalaking pondo ang dapat na ipalabas ng alin pa mang departamento, kagawaran o tanggapan hangga’t wala pa ang bagong opisyal na itinalaga ng pangulo.
Hindi rin pwedeng pumasok sa bagong kontrata o proyekto ang mga GOCC, government instrumentalities na may corporate powers, government corporate entities, at government financial institutions hangga’t walang bagong sets ng directors ang itinatalaga at ang chief executive officers ay nahalal sa ilalim ng kani-kanilang charters, articles of incorporation at by laws.
Bawal din pumasok ng bagong kontrata at proyekto ang mga free port at special economic zone authorities hanggang wala rin silang mga bagong itinalagang mga opisyal.