SERMON | Manila Police, sinermunan ng bagong pinuno ng MPD

Manila, Philippines – Sinabon ng husto sa unang araw pa lamang ng kanyang pag-upo bilang pinuno ng Manila Police District (MPD) ay pinatikim na ng katakut-takot na sermon ni Police Senior Superintendent Vicente Danao ang mga opisyal at kagawad ng Manila’s Finest.

Hindi rin itinago ni Danao ang matinding galit dahil sa aniya ay palaging nasa ‘bad light’ ang pulis-Maynila.

Gayong ito aniya ay tinaguriang Manila’s Finest ngunit hindi niya nakikita ang karangalang ito sa hanay ng MPD.


Binanggit pa niya ang kaso ng panghahalay, extortion at maling pag-aresto na bandang huli ay kinikikilan ang mga inaaresto gayung wala naman aniyang kaso.

Nakakarindi aniyang pakinggan ang samu’t-saring kalokohan o katarantaduhan sa tungkulin gaya ng police na mahuhuling gumagamit ng cocaine, o kasama sa pagtutulak ng ilegal na droga.

Hindi rin pinalampas ni Danao ang pagsusulat ng police blotter o police report na aniya ay palpak gayong may mga ranggo pang superintendent ang gumawa ng ulat para sa PNP.

Dagdag pa ni Danao, batid niya na marami ang hindi sang ayon sa kanya, lalo na at isang gabi bago ang kanyang opisyal na pag-upo sa MPD ay maraming tawag na siya ay natanggap na tila humahamon sa kanyang magiging liderato.

Ngunit tinitiyak na hindi magiging kampante ang lahat ng gumagawa ng mali sa posisyon dahil hindi siya mangingimi sa pagdisiplina sa kanyang mga tauhan

Facebook Comments