Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isama sa service contracting program ang mga driver ng pampublikong transportasyon at mga operator na hindi pa nakakabili sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization.
Nag-aalala si Hontiveros na baka i-discriminate o hindi isali sa service contracting program ng LTFRB ang mga tsuper na hindi pa kabilang sa PUV modernization program ng gobyerno.
Tinukoy ni Hontiveros ang sinabi ng DOTr sa isang forum na layunin na gawing pangunahing bahagi ng modernisasyon ng PUV ang service contracting.
Sa impormasyong natanggap ni Hontiveros ay hindi bababa sa 50 porsiyento ng jeepney at public utility vehicle operators ang hanggang ngayon ay hindi pa nakikiisa sa programa.
Punto ni Hontiveros, kahit gusto ng mga tsuper at operator na maging bahagi ng PUV modernization, may mga dahilan kung bakit sila nag-aalangan.
Kabilang sa binanggit ni Hontiveros ang matinding pagtaas ng presyo ng mga makabagong jeepney at bus, gayundin ang mga produktong petrolyo, habang limitado pa rin ang pwedeng maisakay sa isang byahe.