Posibleng magtuloy-tuloy ang “Libreng Sakay” program ng Department of Transportation (DOTr) sa ilang ruta sa Metro Manila hanggang sa Agosto.
Sa kabila ito ng nakatakdang pagtatapos ng Service Contracting Program sa ibang mga rehiyon sa bansa sa June 30.
Ayon kay LTFRB executive director Tina Cassion, nais man nilang paabutin ng isang taon ay hindi na ito kakayanin ng kanilang pondo.
“Yung pondo po kasi natin medyo hindi naman po sasapat para sa isang… one year po talaga with the volume, ang dami kasi talagang sumali ngayon compare last year po, siguro dahil nga sa kahirapan na rin, nagsimula kasi ‘to nung April 11 at that time tumataas na yung fuel prices,” saad ni Cassion.
Bukod sa libreng sakay na layong mapagaan ang gastusin ng mga pasahero sa harap ng sunod-sunod na oil price hike ay sunod na ipatutupad ng LTFRB ang Net Service Contracting.
Sa ilalim nito, mismong ang mga local government unit na ang nakikipag-partner sa mga pampublikong sasakyan na direkta namang aayuda sa mga PUV driver at operators.
“Etong service contracting nila ay para talaga din ayuda din sa mga drivers at operators. Ito yung tinatawag na net service contracting in which naniningil pa rin sila ng pamasahe pero may subsidy na rin ang government. Ito yung next na ano ng ating service contracting that would be at least up to September I think depende sa pondo po,” paliwanag niya.