Pinaiimbestigahan ni Senator Grace Poe sa Senado ang tumataas na kaso ng pagdukot sa Metro Manila at Luzon.
Sa inihaing Senate Resolution 195 ni Poe ay binibigyang direktiba ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na siyasatin ang nakababahalang serye ng kidnapping sa ilang bahagi ng bansa.
Batay aniya sa mga ulat, ang mga kriminal na nasa likod ng magkakasunod na kidnapping ay lulan umano ng puting van at ang pagdukot sa mga biktima ay ginagawa lamang sa mga daan.
Nakasaad sa resolusyon na kung dati ay may kaakibat na ransom ang pangingidnap, ngayon ay hinihinalang may kinalaman ang mga pagdukot sa pagbebenta ng mga “organ” sa mga sindikato.
Bagama’t sinasabi ng Philippine National Police (PNP) na “manageable” ang sitwasyon ay iniutos na rin kamakailan ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin ang serye ng pagdukot na nagaganap ngayon sa bansa at inalerto na rin ang mga PNP unit.
Tinukoy sa resolusyon na batay sa pahayag ni Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (PCCCII) President Lugene Ang nitong Sept. 6, ang mga napaulat na pagdukot sa nakalipas na 10 araw ay umabot na sa 56 kaso, kabilang ang mga Filipino at Chinese gayundin ang mga bata.
Hindi pa kasama sa ulat na ito ang mga kaso ng kidnapping na hindi naire-report sa mga awtoridad.