Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang mga napaulat na sexual harassment na kinasangkutan ng ilang mga guro sa iba’t ibang mga paaralan.
Inaatasan ng Senate Resolution 168 ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na magsagawa ng pagsisiyasat sa kaso ng harassment na kinasasangkutan ng mga guro sa Bacoor National High School sa Cavite, St. Theresa’s College sa Quezon City, at Philippine High School for the Arts sa Los Baños.
Layunin ng resolusyon ni Hontiveros na makalikha ng ‘safe spaces’ na kaaya-aya sa pag-aaral ng mga estudyante gayundin ang pagtiyak na mapapanagot ang mga guro na sangkot sa pang-aabuso.
Nakasaad sa resolusyon na ang sexual harassment cases na nangyari sa educational institutions ay mahalagang maresolba sa ‘transparent, pro-active at timely’ na pamamaraan upang matiyak ang paghahatid ng hustisya sa mga naging biktima.
Iginiit sa resolusyon na ang mga guro na salarin sa pang-aabuso ng mga estudyante ay walang puwang para manatili pa sa mga paaralan.
Naniniwala naman si Hontiveros na marami pa ang mga paaralan na may kaso ng karahasan, sexual harassment at iba pang pang-aabuso dahil maraming mga estudyante ang pinipiling manahimik sa takot sa kanilang abusers na pawang mga ‘persons of authority’.