Shabu, itinago ng suspek sa brief niya para ‘di mahuli

REPRESENTATION PHOTO FROM PEXELS WEBSITE

BACOOR, CAVITE – Arestado sa buy-bust operation ang dalawang
lalaki na pinaghihinalaang tulak ng droga sa Barangay Talaba III nitong Lunes. Ang isa sa kanila, itinago sa brief niya ang umano’y pakete ng shabu para hindi mabisto.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Edward Bagasala at Ronan Jude Constantino.

Sa isinagawang operasyon, nakabili ng isang sachet ng shabu ang operatibang nagpanggap na buyer sa halagang P200.00. Nang magkapalitan ng iligal na droga at pera, agad dinakip ang mga suspek.


Kinailangan pa daw ipasok ng isang pulis ang kamay niya sa brief ng suspek upang makuha ang ilang nakabalot na ipinagbabawal na gamot.

Narekober sa mga salarin ang pinaghihinalaang 51 gramo ng shabu na nagkakahalagang P350,000.

Ayon sa kinauukulan, modus ng mga nasasakdal na makipagtransaksyon online at kikitain ang mga parokyano sa palikuran ng ilang establisyimento doon.

Lumabas din sa imbestigasyon na nakulong noon si Bagasala dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga at nakalaya bunsod ng plea bargaining agreement.

Depensa naman ni Constanino, first time niya lamang magbenta ng shabu at napilitan siyang gawin ‘yon para may pantustos sa pangangailangan medikal ng dalawang anak.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek.

Facebook Comments