Shabu sa bulalo, tinangkang ipuslit ng dalaw sa Bilibid

Photo by Bureau of Corrections via Inquirer.net

Arestado ang isang dalaw sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City matapos mahulihan ng limang pakete ng shabu at dalawang SIM card na isiniksik sa buto ng bulalo nitong Linggo.

Kinilala ng Bureau of Corrections (BuCor) ang suspek na si Glenn Dayrit y Moncada, 43-anyos, drayber mula sa Angeles, Pampanga.

Dadalhan dapat umano ni Moncada ng adobong bulalo ang presong si Tyrone dela Cruz na kabilang sa “Bilibid 19” o mga bilanggong drug lord.


Nang inspeksyonin ng isang jail officer ang pagkain, nahalukay ang limang pakete ng shabu at isang SIM card na itinago sa buto ng bulalo.

Depensa ng suspek, napag-utusan lang siyang ihatid ang ulam kay Dela Cruz at wala siyang alam tungkol sa droga.

Ngunit napag-alaman na apat na beses na umanong nagdala ng ulam ang suspek sa NBP kaya iniimbestigahan kung dati na itong nagpupuslit ng droga.

Inaalam na rin kung sino ang umano’y nag-utos kay Dayrit.

Si Tyrone dela Cruz na sangkot sa kidnapping ng isang Filipino at Chinese noong August 2013 ay nakulong noong December 2017 matapos masintensyahan ng pang-habambuhay na pagkakabilanggo.

Facebook Comments