Arestado ang isang babae sa tangka umanong pagpupuslit ng drogang itinago sa loob ng pagkain sa Fairview Police Sation sa Quezon City, Martes ng madaling araw.
Nasabat mula sa dalaw na si Camie Olaguer, 27, ang limang pakete ng shabung nagkakahalagang P1,600 na nakapailalim sa dala nitong “hotsilog”.
Nabuking ang droga matapos magkamali ang guwardiyang nag-inspeksyon at pabaliktad na nabuksan ang styro na pinaglalagyan ng pagkain.
Itinanggi naman ni Olaguer na kaniya ang droga at sinabing napag-utusan lamang siya ng kaanak ng kaibigan.
Isang linggo nang bilanggo ang kaibigan ng suspek dahil din sa iligal na droga.
Nakakulong ngayon sa parehong himpilan ng pulis si Olaguer na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.