Manila, Philippines – Iginiit ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon kay dating Bureau of Customs o BOC Commissioner Isidro Lapeña na humarap pa rin sa mga susunod na pagdinig ng Senado ukol sa drug smuggling.
Katwiran ni Gordon, ang hindi pagsipot ni Lapeña sa Senate hearing ay magdudulot ng pagdududa sa kanya ng publiko kaugnay sa paglusot ng shabu na posibleng nagkakahalaga ng 6.8 hanggang 11-billion pesos laman ng mga inabandonang magnetic lifters sa GMA, Cavite.
Pahayag ito ni Gordon, makaraang hindi dumating si Lapeña sa pagdinig ng komite nitong Lunes dahil ipinatawag daw siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Gordon, bagaman at walang patunay na sangkot si Lapeña sa pagpuslit ng droga sa BOC ay dapat pa rin nitong ipaliwanag ang insidete.
Nagtakda pa ng pagdinig ngayong Nobyembre si Senator Gordon kung saan kanyang inaasahan nyang haharap muli si Lapeña at iba pang ipinatawag para makatulong sa imbestigasyon kaugnay drug smuggling.