Sharon Cuneta, anak na si Frankie sumagot sa paratang ni Duterte na pinalalayas sa bahay si Kiko

Facebook/Sharon Cuneta

Nilinaw ni Megastar Sharon Cuneta ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagkakalabuan umano sila ng asawang si opposition Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.

Sinabi ito ng Pangulo kasunod ng pambabatikos sa isinulat na batas ni Pangilinan na layong itaas sa 15-anyos ang minimum age of criminal liability.

“Pinapaalis na nga ng asawa niya sa bahay niya, ayaw kay wala ibang matirahan. Totoo. Tanungin mo,” ani Duterte sa kanyang talumpati para sa Bonifacio Day sa Caloocan, nitong Linggo.


Magbibitiw raw sa posisyon ang Pangulo kung hindi totoo ang sinabi tungkol sa mag-asawa.

Sa isang post sa Instagram kalakip ang screenshot ng balita tungkol dito, sinabi ng Megastar na hindi niya alam kung saan nanggaling ang naging pahayag ng Pangulo.

“I just spent the whole day with Kiko, Miel, Miguel, ZsaZsa and Conrad in our farm, so this piece of news sent by Kakie kinda shocked me!” saad niya sa caption.

Si Kakie at Miel ay anak nina Cuneta at Pangilinan, habang malapit na kaibigan naman ng pamilya sina Zsa Zsa Padilla at Conrad Onglao.

“I dunno if it’s true that the President, my ‘Tatay,’ really said this, and I haven’t been able to see or speak to him since before my brother’s campaign for Mayor! So I don’t know where this is coming from, honestly,” pagpapatuloy ng Megastar.

https://www.instagram.com/p/B5hlSLlnE4e/?utm_source=ig_embed

Aniya pa, siya mismo ang mag-aanunsyo kung maghihiwalay man sila ng asawa.

Bahagya niya ring dinepensahan ang Pangulo na mahilig lamang daw magbiro.

“Tatay likes to joke sometimes, as you all know, because Kiko’s in the Opposition. He has joked a few times against Kiko and about me in the past!” sabi ni Cuneta.

“Please rest assured that all is fine with my family. My stress comes from other people and things, but right now my family and marriage have never been happier!” paglilinaw niya.

Bago ito, nauna nang bumuwelta sa sinabi ng Pangulo ang panganay nilang anak na si Frankie Pangilinan na nakabase ngayon sa New York, USA para sa pag-aaral.

“Like, imagine being more concerned with ‘ruining’ a perfectly happy family instead of being a good leader,” saad ni Frankie sa isang post sa Twitter.

Naglabas din siya ng litrato ng mga magulang na magkasama bilang patunay sa maling paratang at sinabing, “If you come for my family, I’ll come for you.”

Nakaraang taon, umamin si Cuneta na muntik na silang maghiwalay ng senador noong 2017, ngunit nilinaw na nagkaayos din kalaunan.

Facebook Comments