
Pinagtibay na sa Senado ang resolusyon para sa agarang proteksyon at repatriation sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa Gitnang Silangan.
Sa Senate Resolution 325, pinakikilos ang Department of Foreign Affairs (DFA) at lahat ng mga foreign service posts na paigtingin ang mga travel advisories at crisis communications para sa mga kababayang nasa Middle East.
Nakasaad din sa resolusyon na dapat makipag-ugnayan ang Department of Migrant Workers (DMW) at mga kaukulang ahensya sa mga recruitment agencies at employers para malaman ang kinaroroonan ng mga OFWs at pinaa-update rin ang contingency plans para sa evacuation, temporary shelters at repatriation pathways.
Pinaglalatag din ng mga hakbang ang mga ahensya para maibsan ang epekto sa ekonomiya at sa publiko ng tensyon sa Middle East.
Inirerekomenda rin ang pagbibigay ng ayuda tulad ng fuel assistance sa public transportation drivers, mga magsasaka, mangingisda at isinusulong din ang suspensyon o tapyas sa fuel excise tax.










