Shoe Trade Fair sa Marikina City, isasagawa para sa pagbangon muli ng lokal na ekonomiya

Inihayag ngayon ng Marikina Local Government Unit (LGU) na ngayong buwan ng Pebrero ay magbubukas ng Shoe Trade Fair sa Marikina City.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, para matulungang makabangon mula sa pagkalugi ang mga gumagawa ng sapatos at napagpasyahan nilang magbubukas ng Shoe Trade Fair sa lungsod.

Tugon ito ng LGU, matapos ang magkasunod na dagok na naranasan at nararanasan pa ng mga shoe manufacturer kabilang na ang nagpapatuloy na COVID-19 pandemic at ang pagtama ng Bagyong Ulysses noong buwan ng Nobyembre.


Aminado si naman si Mayor Teodoro na walang market ang sapatos sa ngayon dahil nag-iba ang prayoridad ng mga mamimili bunsod ng pandemya.

Paliwanag ng alkalde, nag-shift na rin ang marami sa online selling at paggawa ng Personal Protective Equipment (PPE) pero hindi pa rin sapat kaya’t dapat matulungan ang industriya.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na rin si Mayor Teodoro sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang alamin ang posibilidad na makakasali ang local manufacturer sa susunod na mga bidding para sa procurement ng sapatos na gagamitin ng pulisya at mga sundalo.

Bagama’t wala pang tiyak na petsa kung kailan pero ang isasagawang trade fair ay gagawin sa Marikina City Sports Complex.

Facebook Comments