Tinawag na ‘isolated incident’ ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyaring pamamaril ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong Hunyo 29, 2020.
Sa kanyang talumpati sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista sa Jolo kahapon, July 14, 2020 sinabi ng Pangulo na umaasa siyang hindi magreresulta ng galit o poot sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang insidente.
Kasabay nito, tiniyak ng pangulo na maisisilbi ang hustisya sa mga naulilang pamilya nina Major Marvin Indammog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Jaime Velasco at Corporal Abdal Asula.
Aniya, bilang Commander-in-Chief, titiyakin niyang lalabas ang katotohanan hinggil sa insidente, pabor man ito sa panig ng mga pulis o ng mga sundalo.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang insidente habang nasa kustodiya na ng Camp Crame ang siyam na pulis na sangkot dito.
Samantala, pinasalamatan naman ni Pangulong Duterte ang mga sundalo na patuloy na lumalaban sa mga muslim extremists sa kabila ng kinahaharap na pandemya ng bansa.
Sinaksihan din niya ang paggawad ng Order of Lapu-Lapu, Rank of Kampilan kina S/Sgt. Ramonito Diapolet at Cpl. Maynard D. Cabote na nasugatan sa nangyaring engkwentro sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Patikul, Sulu noong Hulyo 6, 2020.