Shooting incident sa mga magsasaka sa Quezon, Bukidnon, pinaiimbestigahan sa Kamara

Ipinapasiyasat sa Kamara ang insidente ng pamamaril sa mga magsasaka sa Quezon, Bukidnon kamakailan kung saan bumisita ang kandidato sa pagka-Pangulo na si Ka Leody de Guzman.

Sa House Resolution 2561 na inihain sa Kamara, ay iginiit na dapat kondenahin ang naturang shooting incident sa mga lumad na magsasaka.

Pinakikilos sa resolusyon ang House Committee on Human Rights na dapat manguna sa imbestigasyon “in aid of legislation” na may layong hindi na maulit ang katulad na insidente.


Aabot sa apat ang sugatang indibidwal sa insidente ng pamamaril habang nagsasagawa ng konsultasyon at dayalogo si de Guzman kasama ang Manobo-Pulangihon tribe, kaugnay sa isyu ng “land grabbing” sa kanilang ancestral land.

Tinukoy sa resolusyon na hindi lamang ito kundi marami pang kaso ng pag-atake at kaharasan laban sa mga Lumad at mga katutubo, kung saan ang iba ay namamatay pa.

Pagbibigay-diin pa sa resolusyon na tuluyang tuldukan na ang naturang uri ng krimen sa mga katutubo at kailangang manghimasok na ang pamahalaan at ang Kongreso.

Facebook Comments