Manila, Philippines – Nagtatag na ang Quezon City Police District (QCPD) ng isang Special Investigation Task Group na magiimbestiga sa pananambang kay Assistant City Prosecutor Rogelio Velasco.
Ayon kay QCPD District Director Superintendent Joselito Esquivel, kagabi ay binuo ang grupo para sa mabilis na pagresolba sa kaso.
Ayon kay Esquivel, tinitingnan nilang anggulo ang may kaugnayan sa trabaho ang pagpatay kay Velasco na nagtamo ng labindalawang gunshot wounds.
Kinumpirma rin ni Esquivel na hawak na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang composite sketch ng mga suspek na batay sa nahagip ng CCTV at pahayag ng mga testigo.
Pinagbabaril ng tatlo hanggang apat na gunmen si Velasco habang sakay ng pulang Toyota Innova mag-aalas singko kahapon sa Holy Spirit Drive, Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Naisugod pa sa ospital si Velasco, ngunit binawian din ng buhay.
Pinaghahanap pa ngayon ang puting Innova na may plakang NXR 256 sinakyan naman ng mga suspek.