Shoplifter sa Supermarket, Nakatakas!

Santiago City, Isabela- Nakatakas at bigo sa pagnanakaw ang isang lalaki noong Enero 21, 2018 sa isang Supermarket sa Victory Norte, Santiago City, Isabela.

Batay sa impormasyong idinulog ng manager ng gusali sa PNP Station 2, pumasok at nagpanggap bilang customer ang suspek nang maaktuhan ito ng isang gwardiya na nilalagay sa kanyang bag ang lahat ng kanyang mga kinukuha.

Hinarang ng gwardiya ang suspek dahil sa hindi pagbabayad sa kanyang mga kinuha subalit kumaripas ito ng takbo.


Nahablot naman ng gwardiya ang kanyang bag na naglalaman ang kanyang mga ninakaw.

Ilan sa mga bigong nakawin ng suspek ay ang isang frozen chicken, 500 ml cooking oil, dalawang San Marino sardines at dalawang Purefoods cornedbeef.

Pinag iisipan pa sa ngayon ng manager ng gusali kung magsasampa ito ng kaso laban sa suspek.

Facebook Comments