
Suspendido na ng 90 araw ang lisensiya ng driver ng Ford Ranger kaugnay ng isang viral na video sa Facebook na nagpapakita ng agresibong pag-uugali sa kalsada.
Inilagay na rin ang Ford Ranger sa alarm status.
Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa nakarehistrong may-ari ng sasakyan.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakita sa nasabing video ang driver ng Ford Ranger na may plakang pagmamay-ari ng gobyerno na kumilos nang marahas at sinadyang ihagis ang isang bisikleta habang nasa pampublikong kalsada sa Barangay Paliwas, Obando, Bulacan.
Ang insidente ay nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng iba pang motorista at publiko, at maituturing na paglabag sa umiiral na mga batas at regulasyon sa trapiko.
Dahil dito, inatasan ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang may-ari at driver ng sasakyan na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, sa January 5, 2026 (Lunes) alas-3:00 ng hapon.
Inoobliga rin silang magsumite ng Verified o Sworn Comment/Explanation upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa mga kasong administratibo na Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.









