Nagluluksa ang showbiz industry ngayon sa pagpanaw ng jukebox idol na si April Boy Regino o Dennis Regino Magloyuan Magdaraog sa tunay na buhay.
Sa edad na 59, binawian ng buhay ang singer dahil sa acute respiratory failure kahapon ng madaling-araw, November 29, 2020, sa Metro Antipolo Hospital and Medical Center, Antipolo City.
Ayon sa veteran entertainment writer na si Cristy Fermin, na family friend ng mga Regino, nakaburol ngayon ang labi ni April Boy sa Idolstar Restobar sa Calumpang, Marikina City na pagmamay-ari ng singer.
Taong 2009 nang ma-diagnose si April Boy ng prostate cancer habang naninirahan sa Amerika.
Matapos namang ideklara ang pagiging cancer-free noong 2013, ay inanunsyo naman nito noong 2015, na siya ay mayroong diabetic retinopathy, na isang eye condition na nagdudulot ng pagkawala ng panigin at pagkabulag sa mga taong may diabetes.
Dekada 90 nang sumikat ng husto si April Boy dahil sa kanyang mga phenomenal novelty hit songs tulad ng “Paano ang Puso Ko,” “Umiiyak ang Puso,” at “Di Ko Kayang Tanggapin”.
Bagama’t hindi naging masyadong aktibo si April Boy sa showbiz nang magkaroon siya ng mga karamdaman, pero hindi na mabubura sa kasaysayan ng Philippine music industry ang mga kontribusyon niya dahil sa kanyang mga kanta na walang kamatayan.