99% ng populasyon sa Siargao Island sa Surigao del Norte, kasama na ang mga turista ang naapektuhan ng hagupit ng Bagyong Odette.
Ito ang kinumpirma ni Surigao del Norte Representative Francisco Jose Matugas II, matapos na ilarawan aniya sa kanya ng kanyang ama na si Surigao del Norte Governor Francisco Matugas na isang “total devastation” ang nangyari sa Siargao Island.
Ayon kay Cong. Matugas, sa paglibot ng kanyang ama sa buong isla ay nakita niyang wala nang nakatayong mga bahay habang ang mga gusali ay kalahati na lamang ang nakatayo o wala nang mga bubong.
Aniya, totally damaged din ang kanilang airport terminal habang nasa 80% na malubhang napinsala rin ang kanilang municipal buildings.
Maswerte naman aniyang minimal damage lang ang naitala sa ospital sa Siargao Island dahil nasa tago itong lugar.
Sa ngayon ay nasa dalawa na ang naitalang nasawi sa pananalasa ng bagyong sa isla, habang aabot sa 20-billion pesos ang halaga ng pinsalang iniwan ni Odette.
Nabatid na unang tumama ang Bagyong Odette sa Siargao Island noong Huwebes ng ala-1:30 ng hapon kung saan nakataas dito ang tropical cylone wind signal no. 4.