SIBAK | Lasing na pulis na nanutok ng baril sa isang menor de edad, sinibak sa pwesto

Agad na sinibak sa pwesto ni National Capital Region Police Office Acting Regional Director, Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang isang pulis na nanutok ng baril sa 2 high school students kabilang ang isang menor de edad dahil sa labis labis na kalasingan.

Iprinisenta pa kanina ni Eleazar sa media si SPO2 Randy Fortuna na nakatalaga sa SRU-EOD ng Pasay City Police Station at nakatikim ng sandamakmak na sermon.

Sa inisyal na imbestigasyon, bumibili lamang ang biktimang si alyas Jun-jun, grade 11, Senior High School student at nakatira sa NCRPO Compound nang lumapit sa kanya si SP02 Fortuna na nasa impluwensya na alak at bigla na lamang nitong itinutok ang service firearm sa ulo ni Jun Jun sabay sabing “gusto mong sumunod sa tatlong pinatay ko?” agad tumakbo ang biktima at naiwan sa tindahan ang kaibigan nitong si Harold Godwin Villacruel, 18 years old, isang Junior High School at tinutukan din ng baril sa dibdib at sinabing “siya lamang ang siga doon at wala ng iba pa.”


Matapos na makatakas, doon na nagsumbong ang dalawang bata na nauwi sa pagkaka aresto kay SP02 Fortuna.

Nakuha sa kanyang pag-iingat ang kanyang service firearm na Glock 17 na naglalaman ng 15 piraso ng 9mm live ammunitions.

Sa ngayon nasa kustodiya na si Fortuna ng Regional Special Operations Unit at nakatakdang ipagharap ng mga kasong Attempted Homicide and Slight Physical Injury in relation to Section 3 ng R.A. 7610 o Child Abuse.

Nabatid na noon pa man ay may history na ang pulis nang pananakit matapos magsampa ng kaso ng Violence Against Women ang sarili nitong asawa.

Facebook Comments