Tinanggal ngayon ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang dalawang mataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Zamboanga kasunod nang ulat na libu-libong sako ng bigas na nawawala sa kanilang pangangalaga.
Kabilang sa mga tinanggal ni Lapeña ay sina Atty. Lyceo Martinez District Collector 11th Collection District at si Felimeno Salazar, ang District Commander ng Customs Police District.
Ayon kay Lapeña, ang pagsibak sa dalawa ay upang makatiyak na hindi nila maiimpluwensiyahan ang ginagawang imbestigasyon hinggil sa nawawalang mga bigas.
Babala ni Lapeña, lahat ng sangkot sa anomalya ay pananagutin lalo na yaong mga nakikipagsabwatan sa mga smuggler.
Matatandaan na nawala ang 23,015 sako ng bigas matapos na mailipat sa pangangalaga ng BOC-Zamboanga.
Napag-alaman sa imbestigasyon ng BOC, nakita ang 5,000 sako ng bigas sa bodegang pag-aari ng Basulta Traders Corporation, 3,000 sako sa imbakan ng Suterville Warehouse, Manga Drive at 8,000 sako ang nakita sa Kasanyangan Compound, Sta. Catalina.