Ikinabala ni Committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian na baka makaapekto sa suplay ng kuryente ang sigalot ng National Electrification Administration (NEA) at ng Benguet Electric Cooperative (BENECO).
Ayon kay Gatchalian, ang Baguio ay isang highly urbanized city at umaasa ito sa serbisyo ng BENECO pati na ang 13 bayan sa probinsya ng Benguet.
Paliwanag ni Gatchalian, hindi magandang senyales para sa mga konsyumer ang makita nilang ginagamitan ng pwersa ang kanilang kooperatiba.
Dahil dito ay iginiit ni Gatchalian sa NEA na gumawa ng hakbang para matapos na ang hindi pagkakaunawaan ng mga opisyal at empleyado ng dalawang panig.
Diin ni Gatchalian, hindi dapat ipagkibit-balikat ng NEA ang isyu at sa halip ay dapat itong solusyunan agad upang hindi na umabot sa puntong magkasuhan pa sa korte o kaya ay idaan sa dahas ang pagluklok ng bagong general manager ng BENECO.