Plantsado na ang paghahanda ng National Capital Region Police Office para sa seguridad ng traslacion ng Itim na poong Nazareno sa Enero a-nuebe.
Sa pulong kanina ng pinangunahan ni NCRPO Director Brig Gen Debold Sinas na dinaluhan ng mga opisyal ng MPD at apat na police district sa Metro Manila gayundin ni Monsinior Ding Coronel at mga pari ng Quiapo church, napagkasunduan ang security measures sa traslacion.
Ayon kay RD Sinas, irerekomenda nila sa telephone companies na patayin ang signal ng cellphones sa Quirino grandstand sa ruta ng traslacion hanggang sa minor basilica ng Quiapo.
Madaling araw ng Enero a-nuebe papatayin ang signal ng cellphones.
Hindi din papayagan ng mga pulis ang mga sasalubong sa andas dahil makapag pabagal ito sa usad ng traslacion.
Sinabi pa ni Sinas na napag kasunduan nila ng mga pari at organizers ng traslacion na maari na lamang sumampa sa andas sa panamagitan ng pagdaan sa likod.
Dagdag pa ni Sinas papalibutan ng pulis ang andas gaya ng ginawa nila noong thanksgiving procession.
Umikli naman sa tatlong daang metro ang ruta ng traslacion at hindi na ito idadaan sa Jones/Mcarthur bridge at sa halip ay idadaan na lamang sa Ayala bridge.
Mula 6.19 kilometers ay magiging 6.16 kilometers ngayong taon.
Sinabi naman ni Monsignor Coronel na ang mga pagbabago sa traslacion ay para matiyak ang ligtas na maidadaos ang aktibidad at mapapanatili ang pagiging sagrado nito.