Sa impormasyon ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda, umaabot na umano sa 60 distrito sa kabuuang 253 na distrito sa buong bansa ang nakakuha na mga pirma para sa People’s Initiative (PI) kaugnay sa isinusulong na pag-amyenda sa mga economic provisions sa Konstitusyon.
Sa pagkakaalam ni Salceda, ang bawat distrito ay nakamit na ang 3% na required signature ng mga botante.
Base sa Saligang-Batas, kailangang makakuha ng 12% ng kabuuang bilang ng botante sa buong bansa para maisagawa ang CHA-CHA.
Samantala, kinumpirma naman ni Antipolo Representative Romeo Acop Jr. na sa kanyang probinya ay mayroon na ring signature campaign para sa CHA-CHA.
Pero tiniyak ni Acop na sa kanyang distrito ay walang bayad ang mga pumirma para sa People’s Initiative.
Binigyang diin pa ni Acop, na walang anumang direktiba ang liderato ng Kamara na ang CHA-CHA ay planong regalo para sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.