Sikat na Pasyalan sa bayan ng Baggao, Bukas na sa mga Turista

Cauayan City, Isabela- Bukas na sa publiko ang ilang ipinagmamalaking tourist destinations sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Joan Dunuan, tanging pakiusap lang nito sa mga magbabalak bumisita sa mga pasyalan ang pagsunod sa minimum health standard at ang mahigpit na pagbabawal sa pagkakalat ng basura.

Maari nang magtampisaw sa Blue Water Falls at maglibot sa kweba kasama ang pamilya at barkada; mag-ikot na rin sa Lipit Canyon, mag-selfie naman sa Magabbeg at Laglagto Rock Formations.


Isama na rin ang buong pamilya na maglibot sa ‘Duba Underground River’ at kung hindi naman kaya ang lamig ng tubig, halina’t magtampisaw sa ipinagmamalaking Hot Spring sa Asinga-Via.

Kaugnay nito, ilan naman sa kakailanganing gawin ng mga local tourists ang magpresenta ng health declaration at travel pass bilang bahagi ng monitoring upang mapabilis ang pagtukoy sa mga posibleng pagkahawa sa COVID-19.

Maliban dito, kung nais mo pa rin na manatili ng mahabang araw sa lugar ay may mga kalapit namang hotel at transient na pasok sa budget.

Binigyang diin din ng opisyal na kakailanganin naman na magbayad sa mga tour guide na siyang mangangasiwa sa pamamasyal na hindi bababa sa P500.00 per team depende sa dami ng bilang sa isang grupo.

Mayroon namang P30.00 na magsisilbing entrance fee ng bawat papasyal sa lugar.

Tiniyak naman ng alkalde ang kaligtasan ng bawat turista na magtutungo sa kanilang bayan.

Facebook Comments